Writings Essays

Mga Barko ng Buhay

Sa ating buhay, tayo ba’y tila mga taong naglalakbay, nag-aabang sa daungan ng mga barkong lumilipas, upang dalhin tayo kung saan. Ang mga batang maliliit ay nagsisimula pa lamang. Ang mga kabataang katulad natin ay unti-unting lumalapit sa gitna. Ang mga matatanda naman ay nakatungtong na sa pinakamatataas na mga bundok, tumitingin sa mga pangyayari sa lambak sa ibaba. Ngunit, ang mga taong umaalis sa pagkabata at umaakyat na sa mas mataas na estado ay ang pinakamalapit sa gitna, kung saan nakikita ang isang daungang walang barko, walang tao, walang anuman, kundi ang ihip ng hangin at ang bukang liwayway’ng palaging naroon.

Dito sila nawawala.

Noong bata pa tayo, napakarami nating mga pangarap sa buhay. Palagi tayong tinatanong ng ating mga guro ano o sino gusto natin maging sa pagtanda natin. Mga kabataan nga’t inosente, kaya palagi nating iniisip na kahit ano ang gusto nating makamit ay matutupad—kahit anuman ang mangyari. Noong mas bata pa tayo, puno tayo ng pag-asa. Noon, wala tayong mabibigat ng problema. Noon, puro positibo ang ating pagtingin sa mundo at mismong buhay natin. Ngunit, balang araw, bata, ikaw ay tatanda rin.

Heto na ang daungan.

Sa ating pagtanda, maraming problema ang sasalubong sa atin. Maraming mga pagsubok ang maaari nating mapagdaanan. Sa ating pagpasok sa napakaliit na butas ng karayom, nagiging mahirap na sa ating isiping matutupad pa ang mga pangarap na gusto nating makamit. Nagiging malabo na ang ating paningin sa hinaharap. Dahil sa masasamang napagdaanan natin, mukhang hanggang pangarap lang ang maabot natin.

Kailan ba darating ang barko?

Tayo mismo ang makakasagot ng tanong na iyan. Ang barkong magdadala sa atin patungo sa ating mga pangarap ay darating lamang sa oras na itinakda natin para rito. Ang mga taong hindi na naniniwala sa kani-kanilang mga pangarap ay walang hinihintay na anuman. Bakit pa ba darating ang barko kung wala namang sasakay? Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong iyon ay babalik sa kanilang pinagmulan o ‘di kaya’y maghahanap na lang ng iba nilang maggawa sa buhay.

Sana naman ay huwag itong mangyari sa atin. Kung patuloy tayong maniniwala sa ating pangarap at ung hindi natin papayagan ang mga pagsubok ng buhay na galawin ang ating paninindigan, sa wakas ay masasakyan mo na ang barkong magdadala sa’yo patungo sa katuparan ng iyong pangarap.